Malacanang Palace
Speech of President Benigno "P-Noy" S. Aquino III during the Flag Ceremony, at Kalayaan Grounds, MalacaƱang, Manila |
|
Ako po’y lubos na nagagalak na makasama kayo lalo na po ang ilan sa inyo na nakilala ko na noong manungkulan ang aking ina at ngayon ay makakasama kong muli. Marami po akong alaala mula sa panahong namalagi kami sa palasyo. Marami kaming naging kaibigan kahit marami kaming naka-bangga. Marami sa inyo ang tumulong sa amin habang tinadtad ng krisis ang administrasyon ng aking ina. Sa lahat ng pagsubok, nagbantay kayo at nag-aruga. Hinding-hindi ninyo kami pinabayaan. Sa di inaasahang pagkakataon, ako naman po ay tumatayo dito bilang inyong Pangulo. Pasan ko ang mabibigat na problema ng ating bansa na tinatanggap ko na may halong galak at pangamba. Katulad po ng aking nasambit noong Miyerkules, ang pagtahak sa tuwid na landas ay hindi ko makakamit nang mag-isa. Kinakailangan ko po ang inyong tulong, katapatan sa serbisyo at pag-unawa lalo na sa mga pagkakataong tila hindi na ako makausap sa dami ng iniisip. Hinihiling ko sa inyo ang inyong pakikiisa upang lalo pang tumingkad at manatiling buhay ang diwa ng People Power. Ito po ang nagdala sa atin dito sa Palasyo. Inaasahan ko po na ito rin ang tutulong sa atin upang maisagawa ang ating mga tungkulin. Magtulungan tayo para sa ikauunlad ng sambayanang Pilipino at para sa magandang kinabukasan ng darating pang mga henerasyon. Bawat araw na matapos, inaasam-asam ko po na lahat tayo makakatingin sa mga salamin sa atin pong tahanan at masasabi natin na naging matapat tayo sa ating kapwa Pilipino. Magandang umaga po! Maraming salamat sa inyong lahat! |
-----------
| |||
No comments:
Post a Comment